Linggo, Hunyo 23, 2013

Sipat: Ang Pagsusuri sa Pelikulang Himala

"Isang himala... kasalanan bang, humiling ako sa langit ng... isang himala..."

Iyan ay isang linya mula sa kantang "Himala"  ni Kitchie Nadal. Kung lilimiin, hindi naman kasalanan ang humiling ng himala, hindi rin naman masamang umasa sa himala, at mas lalong hidi ipinagbabawal ang paggawa ng sarili mong kapalaran, ng sarili mong himala.
Sa pelikulang himala ni Nora Aunor, na gumanap bilang Elsa, binibgyang diin ang pagiging relihiyosonating mga PIlipino. Ngunit sa kabila nito, hindi maikakailang hindi rin naman lahat ng Pilipino ay nagpapasakop sa relihiyong mayroon tayo.

Ipinakita sa istorya na bagamat marami ang nananampalataya kay Elsa, ang itinuring na birhen, ay may natitira pa ring salungat sa kanyang mga prinsipyo at paniniwala.  Nariyan ang pananamantala ng mga tao- pagbebenta ng mga gamot at tubig na binabasbasan ni Elsa, pagnanakaw habang nagdarasal ang karamihan, at pagtitinda ng samu't saring produkto habang dumaragsa ang mga dayo.

Ibinahagi rin sa nasabing pelikula ang pagiging two- faced  ng partido ni Elsa. Sia, at ang kanyang mga apostoles, ay nakitaan din ng masamang ugali sa kabila ng kanilang pagiging relihiyoso. Una, parang naging kulto si Elsa. Sinasabi niyang nakikita niya ang Mahal na Birhen kahit hindi, at pinapaniwala niya ang iba na kaya niyang makapagpagaling ng may sakit kahit wala naman ito sa kanyang kakayahan. Pangalawa, mismong ang kanyang mga tagasunod pa ang nananamantala sa taong bayan. Ginagawa nilang hanapbuhayang panggagamot ni Elsa sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga gamot. Kung gusto talaga nilang makatulong, hindi ba't maaari naman nilang ipamigay na lamang ang mga iyon? Ikatlo, at pinakahuli, nagpakamatay si Chayong. Isa man siya sa pinakamatatag ang pananampalataya, nagawa pa rin niyang magpakamatay dahil sa isang trahedya sa kanyang buhay.

Gumamit ang pelikula ng simbolismo sa iba't ibang bahagi nito. Ang senaryo kung saan hindi mapagaling ni Elsa ang anak ni Sepa, ay nagpapakita na walang sapat na kakayahan ang taona kontrolin ang kapalaran ng iba, na ang pagsisinungaling at pagpapanggap ay hindi kailanman makapagpapagaling ng karamdaman, na tanging Diyos lamang ang may kontrol sa lahat.

Samantala, ang parte kung saan pinaikot- ikot ang kabaong ni Chayong, at ang pagpatay ng manok at paghagis ng palayok pagkatapos nito, ay nagpapakita ng tradisyon at pamahiin natin bilang Pilipino. Ang pagtitig ng tatay ni Nimia sa isang stick ng sigarilyo habang umuulan  ay maaaring mangahulugang sadyang makasalanan ang tao ngunit nananatiling faithful ang Diyos  sa kabila ng pagiging unfaithful natin.

Kung susuriin naman ang teknikalidad  ng pelikula, masasabi kong simple lang ang pagkakagawa dito. Hindi ito masyadong ginamitan ng camera movements, at kadalasan ay isang anggulo lamang ang ginamit para sa isang senaryo. Hindi din masyadong gumamit ng close up shots sa mga parteng may pag-uusap, kundi whole shot lamang ang ginamit.  Kadalasang malikot din ang camera, na para bang pasmado ang kamay ng cameraman.

Makikitang grainy ang video nung umpisa pa lamang, may pagka-fixelated at hindi fine ang texture nito. Malabo din ang video, minsan madilim at blurred ang parte kung saan akay na ng mga tao ang bangkay ni Elsa.

Hindi kumpleto kung sasabihin lamang na maganda ang pelikula, dahil sa pangkalahatan, tunay na award winning ang likhang sining na ito. Nagampanan ng mga artista ang kanilang papel nang maayos at naaayon sa istorya. Ganun din naman ang direktor na siyang nangasiwa sa buong production team ng nasabing pelikula. 

  

Linggo, Hunyo 16, 2013

Isang Pagsusuri: Ang Babae sa Septic Tank


Tawa Much. Naisip ko agad na ito ang maaari kong magawa habang pinapanood ang pelikulang " Ang Babae sa Septic Tank." Napanood ko kasi noon sa balita na comedy daw ang pelikulang iyon. Kaya naisip ko agad, " Naku, sigurado nakakatawa to." Pero, nagkamali ata ako. Sa simula pa lang ng pelikula, puro kahirapan na ng bansa ang nakita ko. Sino ba namang tatawa don? Kaya pumasok sa isip ko, " Mukhang boring ata to."

Sequence number 34. Exterior. Establishing shots. Day. Okay, alam ko to. 'Yun yung nakalagay sa screenplay. Marahil isa sa mga strategy ng pelikulang iyon ang inarrate ang mga pangyayari sa pamamagitan ng literal na pagsasabi ng mga nakalahad sa script. Kakaiba ang istilong iyon, ngunit hindi ko naiwasang maboring sa mga napanood ko. Bawat kilos kasi ng karakter ay kinukwento ng narrator. Para sakin kasi, bakit mo pa ikukwento kung nakikita naman?

Boring. Oo, boring nga siguro ang umpisa ng pelikula. Pero habang lumalaon ay gumaganda ang istorya. Anjan 'yung tipong nagtatalo ' yung director ( Kean Cipriano) at producer ( JM de Guzman) kung sino ba dapat ang gaganap na Mila, lalaki ba dapat o babae 'yung anak niyang ibebenta, maging lahi ng pagbebentahan ng anak ni Mila ay pinagtalunan kung dapat ba talagang Caucasian.

Ilan lamang 'yan sa mga bagay na binubusisi pagdating sa paggawa ng pelikula. Mas teknikal na binubusisi ang editing, cinematography at iba pa. Maganda naman ang pagkakaedit sa pelikula, at gumamit din ng mga transitions para sa pagpapalit ng mga senaryo. Maganda ang mga anggulo at shots at nagustuhan ko ang paggalaw ng kamera. Lalo na 'yung tipong parang sinusundan lang ng cameraman ang mga karakter sa pelikula.

Sa pangkalahatan, maganda at maayos ang pagkakagawa sa naturang sine. Hindi na nakapagtataka na maraming nakuhang award ang pelikulang ito. Nagawa nitong iparating sa mga manonood ang kanilang mensahe na hindi lamang ang mga pelikulang patungkol sa kahirapan ang nananalo sa mga prestihiyosong awarding events; na hindi dapat ito maging rason upang makakuha ng premyo sa mga malalaking patimpalak.


Tawa Much. Sa kabila ng pagkaboring ko sa simula ng pelikula, ito pa rin ang naging reaksyon ko sa kabuuan nito. Bagay na bagay si Eugene Domingo sa ginagampanan niyang papel dahil likas na sa kanya ang magpatawa. Sa bandang huli, nasabi ko pa ring, " Sigurado, nakakatawa to."