Linggo, Hulyo 14, 2013

Kritiko sa "Anak"

Ang istorya ng "Anak" ay tungkol kay Josie (Vilma Santos), isang domestic helper sa Hong Kong na iniwan ang kanyang pamilya upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Ginagawa niya ito upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Kahit na malayo siya sa kanila, tiniis niya ang ang pananakit ng kanyang amo at ang pagnanais niyang makasama ang kanyang mga anak sa paglaki. Makalipas ang ilang taon ng paghihirap sa ibang bansa, umuwi siya dito sa Pilipinas. Sa kasamaang palad, hindi na niya inabutang buhay ang kanyang asawa, at hindi na siya kinikilala ng kanyang mga anak bilang ina. Tiniis niya ang lahat ng hirap upang makuha ang atensyon ng kanyang mga anak at kasabay ng pagtitiis na ito, unti- unti niyang nakita ang kanilang ugali. Si Carla (Claudine Barreto), ay nagbisyo- panlalalaki, paninigarilyo, paghithit ng rugby, at pagpapalaglag ng bata. Si Michael (Baron Geisler) at Daday (Sheila Mae Alvero) ay walang kimi at hindi siya kilala. Nagrebelde ang kanyang mga anak dahil sa kanyang pag-iwan sa kanila, lalo na ang kanyang anak na si Carla, ngunit sa bandang huli, ay nagsisi ito at naunawaan na ang paghihirap at sakripisyo ng ina.
           
Magaling ang pagganap ng mga artista sa mga papel na kanilang ginampanan. Epektibong ina si Ms. Vilma Santos, at napanindigan ni Ms. Claudine Barreto ang pagiging isang suwail at rebeldeng anak. Samantala, naipakita nila Baron at Sheila ang tunay na ugali ng mga anak na nakalahad sa script. Nagkaroon ng variation ang personalidad ng tatlong anak ni Josie.
                
Napansin kong walang masyadong camera angle na ginamit. Kadalasan ay centered ang anggulo. Ganun pa man, hindi na ito kapansin pansin habang pinapanuod ang pelikula dahil mapopokus ang iyong isipan sa istorya at hindi sa teknikalidad ng pelikula.
                
Ipinakita ng pelikula na ang ating bansa ay patriyarkal, kung saan lalaki ang karaniwang namumuno sa pamilya o isang lipon ng tao. Lalaki ang bumubuhay at nangangasiwa sa pamilya, ngunit sa istorya, hinamon ang katauhan ni Josie bilang isang ina na maging ama na din ng kanyang mga anak matapos yumao ang kanyang asawa.
                
May pagkafeminista din ang naturang pelikula, dahil binigyang diin ang personalidad ni Josie bilang isang ina, kaibigan, asawa at OFW. Ipinakita ang pagiging flexible at versatile ng kanyang katauhan, lalo na ng gampanan niya ang responsibilidad ng kanyang asawa. Sa puntong ito, ipinamahagi sa mga manonood na bagamat tradisyunal na mahinhin at nasa bahay lamang ang mga babae ay may kakayahan din silang baguhin ang sariling kapalaran at gampanan ang trabaho ng mga kalalakihan.  
               
 Maganda ang pagkakaedit ng film, dahil kahit may mga cuts ay naitaguyod pa din ng maayos ang pagkakasunod sunod ng mga eksena at naiparating ng buo sa mga manonood ang mensahe ng pelikula- na hindi madali ang maging isang magulang, lalo na ang maging ama at ina; na hindi rin madali ang maging isang anak na walang kasamang magulang; at walang problemang hindi naaayos sa magandang usapan.  

                
Sa pangkalahatan, maganda ang istorya ng pelikula. Swak na swak ito sa pamilya lalo na sa mga nakararanas ng problemang katulad sa istorya. Para din sa mga OFW ang pelikulang ito, kung saan sila ang nagpapakahirap magtrabaho sa ibang bansa alang- alang sa pamilyang nangangailangan sa Pilipinas. Wala namang problema sa editing at sinematograpiya ng pelikula. => Michie :) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento