Lunes, Setyembre 23, 2013

Kritiko sa Madre: Ang Pagsusuri Sa Pelikulang "Sister Stella L"

Ang pelikulang “Sister Stella L”  ay ang award-winning na obra maestra ni Mike de Leon. Ito ay tungkol sa isang madre na si Sister Stella Legaspi (ginagampanan ni Vilma Santos), na magiging kasangkot sa labor strike pagkatapos malaman ang tungkol sa pagpapabaya ng pamahalaan sa mahihirap at sa mga working natorture at ang lider ng unyon na si Ka Dencio (ginagampanan ni Tony Santos) ay kinidnap at pinatay. Sumunod na dito ang kanyang pakikibaka laban sa kalupitan at kawalan ng katarungan. Ang film na ito ay ang pinakahindi makakalimutang pelikula na ginampanan ni Ms. Vilma Santos.

Ang Sister Stella L ay isang pelikulang nagpapamukha ng mga kontemporaryong suliraning panlipunan sa pamamagitan ng paggamit sa pinagdaraanan ng iba't-ibang mga tauhan, kabilang dito sina Sister Stella Legaspi (Vilma Santos) at dating kasintahang si Nick (Jay Ilagan), isang journalist, Sister Stella Bautista (Laurice Guillen), ang lider ng unyon na si Ka Dencio (Tony Santos) at ang maybahay nitong si Auring (Anita Linda). Ang mga tauhang sa pelikulang ito ay kasangkot sa isang uri ng paglaya mula sa paninikil ng mga namumuno sa pinapasukang pabrika ng langis.

Ang isyu ng pakikisangkot ng mga madreng sina Sister Stella L. at Sister Stella B sa mga suliraning pampulitikal ay isang puntong tumutuligsa sa nakasanayan nang ang mga ito ay kinakailangang manatili sa apat na sulok ng kumbento upang magdasal. Lingid sa ating kaalaman ang tungkol sa mga suliraning pampulitikal ng bansa. Tulad halimbawa ng pagtanggi ni Sister Juanita (Adul de Leon) sa pakikisangkot ni Sister Stella L sa paghihimagsik ng mga manggagawa sa Barrio Agoho. Sa kalaunan ay nanaig dito ang pagnanasang makibahagi sa pakikibaka ng mga manggagawa.

Ang matapang na  partisipasyon ni Sister Stella L sa himagsikan ay isang sigaw sa paghingi ng katarungan sa karahasang sinapit ni Ka Dencio. Samantala, ipinakita ang isyu ng malayang pagpapahayag ay sa pamamagitan ni Nick. Ang paglathala ng artikulo nito tungkol sa pakikisangkot ng mga nabibilang sa sektong pang-relihiyon sa suliraning pampulitikal ay isang pagtuligsa sa dating kasintahang si Sister Stella L. Nauunawaan naman niya ang pananatili ng mga madre sa loob ng kumbento  kaya’t tinanggap ni Sister Stella L ang inihaing hamon ni Nick. Nang maging ganap na kaanib ang dating kasintahan sa isyu ng mga manggagawa, higit niyang pinangalagaan ang kapakanan ni Sister Stella L.

Ang mga artikulong isinusulat ni Nick tungkol sa mga kaganapan sa Barrio Agoho ay halos hindi mailathala ng kanilang pahayagan. Nang sila ay dakpin at maging saksi sa pagpapahirap kay Ka Dencio, ang karanasang ito ay nagsilbing pagmulat ni Sister Stella L sa pangkalahatang suliraning pampulitikal. Ayon sa kanilang pagkakaganap, kinarga ni Vilma Santos ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan. Samantala, ang magiting at matatag na pagganap nina Jay Ilagan, Tony Santos, Laurice Guillen at Anita Linda ay nagpapakita ng pagkaunawa sa buong pelikula. Sa paglikha ng isang pelikula tulad nito, at sa tema nitong pagsulong ng hustisya para sa mga manggagawa, ay nararapat papurihan ang direksiyon ni Mike de Leon. Sa pangkalahatan, maipagmamalaki ang Sister Stella L dahil sa kakayahan nitong magbigay aliw sa mga manonood at mag-anyayang tumugis sa mga isyung kinasasangkutan ng mamamayang Pilipino. => Michie J



Linggo, Setyembre 15, 2013

Masahista: Si Coco na Walang Pahinga (Isang Pagsusuri sa Pelikulang Masahista ni Coco Martin)

Sa umpisa pa lamang ng panonood ko, naglabasan agad ang establishing shots sa pelikula. Animo’y naglalakbay sa kawalan ang bida habang minamasdan ang pagsalubong ng ilan sa kapaskuhan. Masasabi at matitiyak mo agad ang panahon ng istorya dahil sa mga Christmas lights at parol na ipinakita dito.

Hindi mo aakalain na tungkol sa isang masahista ang pelikula dahil parang tungkol sa pasko ang unang ipinakita dito. Ganun pa man, sumegway naman agad ito sa pinakapunto o pinakatema ng istorya sa pamamagitan ng pagpapakita ng lugar kung saan naninirahan ang bida (Pampanga).

Sa pagkakaunawa ko, ang istorya ay tumatakbo sa buhay ng isang masahista na hindi lang pagmamasahe ang ibinibigay na serbisyo kundi pati na rin ang pagbibigay ng aliw. Ito ang ikinabubuhay ng bida na si Illiac, upang masustentuhan na rin ang naghihirap na pamilya. Ipinakita at ipinunto ng istorya ang pagiging mahirap ng kanyang trabaho, dahil bukod sa madalang ang kita dito ay hindi ito sapat upang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya.  Ipinahatid din ng istorya na sa lahat ng paghihirap at gawin ni Illiac sa trabaho, naaalala niya ang kanyang ama na yumao ng hindi man lang niya nakita bago mamatay. Dahil dun, ipinabatid na din ng kwento na kahit papaano ay minamahal ni Illiac ang kanyang ama.

Dun sa part na inilawan na ‘yung malaking parol, ipinakita dun na nakatingin silang lahat na nakatulala. Parang sinasabi nun na dahil sa kapaskuhan, nagkaroon ng liwanag ang kanilang buhay kahit na may kanya- kanya silang pinoproblema.

Okay naman ang mga shots na ginamit, pati ang mga anggulo ng mga scenes. Kahit na walang masyadong bago sa cinematography ng pelikula, masasabi kong kanilang- kanila ang mga techniques, shots, at angle dahil tumutugma iyon sa mga scenes at naging consistent sila sa mga ito hanggang sa huli.

Nung una akala ko medyo mali ung paglalapat ng tunog sa part na tumatawa si Alan Paule dahil iba na ung pinakitang scene pero maririnig pa rin ung tawa niya. Iyon pala ay sinadya iyon ng editor para bigyang diin ang paghihirap ni Illiac bilang masahista habang masaya naman ang iba sa ibinibigay niyang aliw.  Ganun din sa part na umiiyak ‘yung nanay ni Illiac habang ipinapakita ang mga activities sa pagmamasahe, parang sinasabi nun na hindi biro ang trabaho ng masahista, na may mga pagkakataong nakakaiyak din ang pagmamasahe sa kapwa mo lalaki kahit nabibigyan ka nun ng aliw.

Gusto ko ‘yung anggulo dun sa part na minamasahe ni Illiac ung noo ng customer niya. Point of view ni Illiac ‘yung ipinakita.

Gusto ko din ‘yung way ng pagcocompare ng direktor sa trabaho ni Illiac at pagkamatay ng kanyang ama. Hindi kasi traditional way ng pagpapakita ng memories ‘yung ginamit sa buong film, kundi through cuts lang. Hindi na gumamit ng transition para sa flashback at maganda ‘yung turn ng scenes from pagmamasahe up to paghahanda sa libing ng kanyang ama.



Sa bandang huli, nakakalungkot isipin na kung kelan pasko ay namatay ang tatay ni Illiac. Pero nakakalitong isipin kung bakit dapat lalaki ang maging masahista sa istorya at hindi babae. Pwede namang babae ang masahista tapos lalaki ang customer diba? O kaya lalaki ang masahista tapos babae ang customer. Hindi ko lang maintindihan si Brillante Mendoza kung anong dahilan niya tungkol dun. => Michie :)

Linggo, Setyembre 1, 2013

K. N. T. (Kinuha, Nilawayan, Tinapon): Ang Klase ng Pagpatay sa Pelikulang Kinatay

Kinuha. Nilawayan. Tinapon. Iyan ang ginawa kay Madonna ng mga taong walan habas na pumatay sa kanya.

Ang pelikulang “Kinatay” ay patungkol sa isang criminology student na si Peping (Coco Martin) na siyang tumanggap ng trabaho mula sa alok ng kanyang kaibigan na si Abyong (Jhong Hilario). Lumalabas na sadyang sumali si Peping sa isang sindikato, bagamat sa una pa lamang ay hindi niya alam kung anong gagawin at kung anong klaseng trabaho ang pinasukan niya. Sa isang gabi ng pagkikita nila ni Abyong, ang sindikato ay kumidnap ng isang babae na nagngangalang Madonna (Maria Isabel Lopez) na siya ring nirape at pinatay ng buong sindikato. Pinagpira-piraso nila ang katawan ni Madonna at itinapon sa magkakaibang lugar. Pagkatapos niyon, nagpaalam ng umuwi si Peping at binayaran siya ng kanyang boss na tinatawag nilang Kap.   
 
Sa umpisa pa lamang, ipinapakilala na ng pelikula ang tema nito sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga ordinaryong bagay sa mundo- tandang,hilaw na manok, nagbabagang uling, nilulutong pagkain at iba pang mga bagay na may koneksyon sa salitang “Kinatay”. Isa na ring representasyon ng mga magaganap pang pangyayari ang mga bagay na ito.

Nagpapakita ang pelikula ng papel ng media sa lipunan dun sa part na mayroong taong gustong tumalon sa billboard at dun sa huli na may nakita ng pugot na ulo sa Quezon City. Ipinapakita rin dito na sa Pilipinas ay marami nang nagpapakasal ng maaga dahil sa maraming kaso ng maagang pagbubuntis.Sa kabuuan, masasabi kong ang “Kinatay” ay isang repleksyon ng mga tunay na senaryo sa mundo.

Napansin kong payak at lantad ang script sa pelikulang ito. Wala itong paumanhin sa mga manonood dahil sa uri ng pananalitang ginamit dito. Madalas magmura ang mga karakter, at wala silang pasintabi sa pagbanggit ng mga sensitive na salita. Kumbaga, bad words are bad words. NO EUPHEMISMS!

Bawat karakter ay may kanya-kanyang personalidad sa istorya. Hanga ako sa mga gumanap sa pelikulang ito dahil bagamat bihira silang magsalita, ay nagampanan nila ng maayos ang kanilang papel sa istorya. Naipakita nila ang pagkakaiba- iba ng kanilang pagkatao sa pamamagitan ng isang maigsing script.

Maganda at maayos naman ang tunog na ginamit. May pagka- suspense at horror type ‘yung mga sounds na nilapat. Hindi masyadong gumamit ng sound effects dito, karamihan ay natural sounds lamang. Ngunit, sa pamamagitan nito, naipakita ang realidad sa lipunang ginagalawan ng mga karakter.

Nagustuhan ko ‘yung part na dinala na si Madonna sa basement. Bagamat nakakatakot, nakakathrill din ‘yung part na ‘yon dahil walang sounds. Ganun pa man, hindi naman iyon naging boring dahil kaabang- abang na ang mga pangyayari. Maganda rin ‘yung parte kung saan nakakatulog na si Peping sa loob ng taxi dahil unti- unting nawawala ‘yung boses sa radyo. Nangangahulugan iyon na humihimbing na ang tulog ni Peping.

Normal na anggulo ng camera ang ginamit sa pelikula- may point of view, bird’s eye view at ‘yung tipong sinusundan lang ng camera ang mga karakter. Medyo malikot ‘yung camera sa part na naglilinis na sila Peping ng pinagkatayan kay Madonna, pero naging maganda at angkop iyon para sa senaryong ‘yon dahil naemphasize ‘yung pagkabalisa ni Peping.   

Madilim ‘yung scene sa loob ng van kung saan binubugbog na si Madonna. Pero naging maganda yung absence of light sa ilang scenes tulad nung part na ‘yung ilaw lang ng sigarilyo ang makikita sa loob ng van, at ang kabuuan ay madilim na.

Maganda ‘yung istorya ng pelikula dahil sinasalamin nito ang realidad ng buhay, pero naiinis ako dahil hindi makatarungan ang ganung klaseng pagpatay. Kahit na sabihin nating malaki ang kasalanan sayo ng isang tao, hindi pa rin tama na kidnapin mu siya, patayin, pagpira-pirasuhin at itapon. Nakakainis lang talaga na may mga taong nasisikmura ang ganung klaseng trabaho. Pero sana, dumalang na ang kaso ng mga taong inihahalintulad sa bubble gum- kinuha, nilawayan at tinapon. => Michie :)


Sulyap: Ang Patagong Pagsipat sa Pelikulang Curacha

Kinakabahan akong panoorin ang pelikulang ito, dahil sa title pa lamang ay alam ko nang censored ito. Gaya nga ng sabi ko dati kay Sir Jeff, puro mga family- oriented movies ang pinapanood ko, dahil kapag may mga scenes na for adults only, lagi kami sinasabihan nila mama ng “CLOSE YOUR EYES CHILDREN!”

Maganda ang istorya ng Curacha, bagamat halos sa kabuuan ata ng pelikula ay nakatakip ako ng unan. Oo, may anak na ko, at may experience na sa pagbuo ng tao, pero hindi pa rin kinaya ng sikmura ko na ginagawa ‘yun sa harap mismo ng maraming tao! Ngunit, sabi ko nga, maganda ang pelikulang ito dahil ipinakita kung anong bansa meron tayo.

Sinisimbolo ni Curacha ang bansa natin- ang Pilipinas. Tulad niya, ang Pilipinas ay isang torera, maraming umangkin at sumakop. Dumating sa puntong hindi na nakikilala ni Curacha ang kanyang sarili, tulad dati ng Pilipinas na hindi alam kung magpapasakop sa dayuhang bayan o tatayo sa sariling paa at paninindigan. Ngunit sa huli, katulad pa rin ni Curacha, nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na buuin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng paglaya sa kamay ng mga dayuhan.

Nasa isang panahong politikal ang istorya. Hindi ko lamang mawari kung panahon ba ito ng Martial Law. May sinabi kasi ‘yung isang madre na “baka magbalik ang Martial Law” tapos maya maya ay may ipinakitang nagpoprotesta na may hawak na poster na “Kay Cory Kami”. Dun lang ako medyo naguluhan.

Maayos naman ang mga shots at camera angle. Walang masyadong bago maliban sa part na mga nude scenes na ang ipinapakita. Kulay pula kasi ‘yung ginagamit na ilaw. Pero siguro ang main purpose nun ay para hindi masyadong lantad ‘yung katawan ng mga performer.

Nakakahanga ang pagganap ni Ms. Rosanna Roces bilang Curacha. Ang lakas ng loob niya dahil hindi madaling magpakita ng katawan sa camera. Pero siguro, hindi lang ito ang pelikulang ginampanan niya na may mga bold scenes kaya medyo sanay na rin siguro siya. Naportray niya ng maayos ‘yung role niya- naipakita niyang isa siyang simpleng tao na may simpleng uri ng pananalita at pagkatao. Tulad din siya ng ordinaryong tao, marunong rumespeto, may problema, nalulungkot, nasasaktan at marunong makipagkaibigan. Kaya naman saludo ako kay Ms. Rosanna. Thumbs up para sa kanya!


Sa kabuuan, hindi ko masasabing pornographic film ang Curacha, dahil hindi naman puro kabastusan ang ipinakita dito. May mgandang istorya ito  na maaari ding kapulutan ng aral ng mga manonood. At isa pa, hindi naman lantad na lantad ang mga body parts ng mga artista sa pelikula. Ipinakita lang na sa isang lipunan ay may mga taong ginagamit ang katawan para kumita. => Michie :)