Linggo, Setyembre 1, 2013

Sulyap: Ang Patagong Pagsipat sa Pelikulang Curacha

Kinakabahan akong panoorin ang pelikulang ito, dahil sa title pa lamang ay alam ko nang censored ito. Gaya nga ng sabi ko dati kay Sir Jeff, puro mga family- oriented movies ang pinapanood ko, dahil kapag may mga scenes na for adults only, lagi kami sinasabihan nila mama ng “CLOSE YOUR EYES CHILDREN!”

Maganda ang istorya ng Curacha, bagamat halos sa kabuuan ata ng pelikula ay nakatakip ako ng unan. Oo, may anak na ko, at may experience na sa pagbuo ng tao, pero hindi pa rin kinaya ng sikmura ko na ginagawa ‘yun sa harap mismo ng maraming tao! Ngunit, sabi ko nga, maganda ang pelikulang ito dahil ipinakita kung anong bansa meron tayo.

Sinisimbolo ni Curacha ang bansa natin- ang Pilipinas. Tulad niya, ang Pilipinas ay isang torera, maraming umangkin at sumakop. Dumating sa puntong hindi na nakikilala ni Curacha ang kanyang sarili, tulad dati ng Pilipinas na hindi alam kung magpapasakop sa dayuhang bayan o tatayo sa sariling paa at paninindigan. Ngunit sa huli, katulad pa rin ni Curacha, nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na buuin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng paglaya sa kamay ng mga dayuhan.

Nasa isang panahong politikal ang istorya. Hindi ko lamang mawari kung panahon ba ito ng Martial Law. May sinabi kasi ‘yung isang madre na “baka magbalik ang Martial Law” tapos maya maya ay may ipinakitang nagpoprotesta na may hawak na poster na “Kay Cory Kami”. Dun lang ako medyo naguluhan.

Maayos naman ang mga shots at camera angle. Walang masyadong bago maliban sa part na mga nude scenes na ang ipinapakita. Kulay pula kasi ‘yung ginagamit na ilaw. Pero siguro ang main purpose nun ay para hindi masyadong lantad ‘yung katawan ng mga performer.

Nakakahanga ang pagganap ni Ms. Rosanna Roces bilang Curacha. Ang lakas ng loob niya dahil hindi madaling magpakita ng katawan sa camera. Pero siguro, hindi lang ito ang pelikulang ginampanan niya na may mga bold scenes kaya medyo sanay na rin siguro siya. Naportray niya ng maayos ‘yung role niya- naipakita niyang isa siyang simpleng tao na may simpleng uri ng pananalita at pagkatao. Tulad din siya ng ordinaryong tao, marunong rumespeto, may problema, nalulungkot, nasasaktan at marunong makipagkaibigan. Kaya naman saludo ako kay Ms. Rosanna. Thumbs up para sa kanya!


Sa kabuuan, hindi ko masasabing pornographic film ang Curacha, dahil hindi naman puro kabastusan ang ipinakita dito. May mgandang istorya ito  na maaari ding kapulutan ng aral ng mga manonood. At isa pa, hindi naman lantad na lantad ang mga body parts ng mga artista sa pelikula. Ipinakita lang na sa isang lipunan ay may mga taong ginagamit ang katawan para kumita. => Michie :)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento